Arestado ang isang pulis matapos ireklamo ng isang beauty queen dahil sa umano’y pambabastos at panghihipo sa kanya sa Ninoy Aquino International Airport o NAIA Terminal 3 nitong Biyernes ng gabi.
Kinilala ang complainant na si Ms. Maria Ahtisa Manalo, 25 taong gulang, habang nasakote naman ang suspek na si Patrolman Alvin Bonales ng Aviation Security Group.
Matatandaan na naging first-runner up si Manalo sa Miss International noong 2018.
Batay naman sa imbestigasyon, kagagaling lang ng Boracay ni Manalo at naghihintay ng masasakyan sa airport nang lapitan ng pulis at hinipuan sa pribadong parte ng katawan.
Dahil dito, agad na ipinag-utos ni airport general manager Cesar Chiong ang pag-review sa mga kuha ng CCTV kung saan nakumpirma na ginawa nga ito ni Bonales.
Bukod sa administrative complaint, nahaharap din si Bonales sa reklamong paglabag sa Republic Act No. 11313 o ang Safe Spaces Act na mas kilala rin sa tawag na “Bawal Bastos Law.” —mula sa ulat ni Raoul Esperas (Patrol 45)