Umabot na sa kritikal na lebel o mahigit 70% ang bed capacity ng East Avenue Medical Center sa Quezon City.
Ayon kay medical chief Dr. Alfonso Nuñez, mayroong hiwalay na gusali na nakalaan para sa mga pasyenteng tinamaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) kung saan mayroon itong 200 hanggang 250 kama.
Sa ngayon aniya ay nasa 70% na ang umookupa sa mga kama sa naturang gusali at batay sa kanilang karanasan umano ay patuloy ang pagtaas nito.
Magugunitang noong Hulyo hanggang Agosto 2020 ay umabot din sa critical level ang kapasidad ng naturang ospital sa kasagsagan ng pagdami ng kaso ng nakahahawang sakit.