Dapat munang tumingin sa salamin ni Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Commissioner Greco Belgica bago ito mag-akusa sa mga mambabatas na sangkot umano sa katiwalian sa Department of Public Works and Highway (DPWH).
Ito ang inihayag ni Alexander Sablan, dating pangulo ng United Workers of Duty Free Philippines, kasabay nang paggiit na nararapat ding tutukan ng pamahalaan ang sinasabing kasong katiwalian na isinampa nila laban sa commissioner.
Giit ni Sablan, sa halip na magpalabas ng mga pangalan ng mambabatas na wala naman aniyang basehan, mas nararapat na sagutin ni Belgica ang mga paratang laban sa kanya.
Matatandaang naghain ng reklamong graft and corruption ang grupo ni Sablan laban kay Belgica sa Ombudsman dahil sa umano’y pagbalewala sa kanilang reklamo sa PACC kaugnay ng anila’y katiwalian sa loob ng Duty Free.