Tiniyak ni Labor Secretary Silvestre Bello III na hindi sya mangingiming kanselahin ang permit ng recruitment agency na nagpadala kay Jeanelyn Villavende sa Kuwait.
Ayon kay Bello, tatamaan ang permit ng ahensya sakaling hindi sya makuntento o makumbinsi sa magiging paliwanag nito.
Batay anya sa mga paunang impormasyon, matagal nang nagsusumbong si Jeanelyn sa ahensya dahil sa pagmamaltrato sa kanya ng kanyang amo.
“Maaaring makansela ang lisensya ng kanyang agency,” ani Bello.
Muli ring tiniyak ni Bello na tutuluyan nya ang deployment ban sa Kuwait sakaling hindi rin sila makuntento sa imbestigasyon ng Kuwaiti authorities sa pagkamatay ni Jeanelyn.
Sa ngayon anya ay hinihintay pa nila ang autopsy at forensic report ng Kuwaiti authorities gayundin ang charge sheet upang mapatunayang nakasuhan na ang mag-asawang employer ni Jeanelyn.
“Hanggang ngayon ay hinihintay pa rin namin ang autopsy at forensic report ni Villavende mula sa mga otoridad ng Kuwait,” ani Bello. —sa panayam ng Balitang Todong Lakas