Hinimok ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang Department of Health (DOH) na igiit ang pagtataas sa sahod ng mga nurse at doktor sa pribadong sektor.
Kasunod na rin ito nang pagsusulong ng Department of Labor and Employment (DOLE) na maitaas ang suweldo ng health care workers para piliin ng mga itong manatili na lamang sa Pilipinas kaysa mangibang bansa.
Sinabi ni Bello na ang malaking pagkakaiba sa sahod ng healthcare workers sa public at private sectors ang isa sa mga nakikita nilang dahilan kaya’t maraming nurse at doktor ang mas ginugustong ipagpatuloy ang kaniyang propesyon sa ibayong dagat.
Ang mga nurse sa private hospital ay nagta trabaho ng 10 hanggang 12 oras kada araw sa suweldong P18,000 kada buwan na mas mababa sa natatanggap ng mga nasa pampublikong ospital.
Ayon pa kay Bello, may pagkakataon ding kailangan pang magbayad ng training fee ng mga nurse sa mga pribadong ospital kapalit ng dalawang taong experience na kailangan para makapag trabaho sa ibang bansa.
Inihayag ni Bello na matagal na nilang binabantayan ang kalagayan ng nurses sa pribadong sektor subalit hindi sila makakilos dahil kakaunti lamang ang nagrereklamo.