Pansamantala lamang ang pagkawala ng trabaho ng milyon-milyong Pilipino.
Reaksyon ito ni Labor Secretary Silvestre Bello lll sa resulta ng survey ng Social Weather Station (SWS) kung saan umakyat sa record high na 45.5% o katumbas ng mahigit sa 27-milyong manggagawa ang natanggal sa trabaho sa gitna ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ayon kay Bello, may mga kumpanya na pansamantala lamang nagsara habang umiiral ang pandemya samantalang ang iba ay hindi naman nawalan ng trabaho kundi nabawasan lamang ng working hours kaya’t nabawasan ang sweldo.
Sinabi ni Bello na kung meron mang permanenteng nawalan ng trabaho, hindi anya ito tataas ng 200,000 empleyado.
‘Yung nakalagay sa statistics na 3.2 million ang mga kababayan natin na nawalan ng trabaho. (…) Meron din ‘yung mga hindi nawalan ng trabaho kun’di nabawasan ang working hours kaya nabawasan ang kanilang sweldo. Meron din ‘yung talagang nawalan ng trabaho pero kokonti lang, malaki na siguro ang 200K,” ani Bello.
Muling pinaalalahanan ni Bello ang mga employers na kailangang bayaran nila ang mga benepisyo ng mga empleyado na permanenteng tinanggal sa trabaho.
Nagpahayag rin ng pag-asa si Bello na mabibigyan sila ng karagdagang pondo sa ilalim ng Bayanihan 2 upang ipang ayuda sa mga empleyado. —sa panayam ng Balitang Todong Lakas