Paiigtingin pa ng DSWD o Department of Social Welfare and Development ang mga hakbangin nito para mapigil ang mga beneficiary ng 4P’s o Pantawid Pamilya Pilipino Program sa pagsasanla ng kanilang cash cards.
Magugunitang nadiskubre ng DSWD sa isinagawang Kamustahan Cash Card Campaign na 15 mula sa 16 na beneficiary sa Caloocan at Valenzuela ang nagsanla ng kanilang 4P’s cash cards.
Sinabi ni DSWD Secretary Judy Taguiwalo na sa layon ng kampanya na i-check at i-validate ang mga report hinggil sa mga isinasanlang cash cards at magkaroon din ng awareness sa parusang kakaharapin ng beneficiary na nagsanla ng kanilang cash cards.
Ayon pa kay Taguiwalo, nagsimula ang kampanya sa unang bahagi ng 2017 para mabatid ang estado ng 4P’s beneficiaries at tutukan ang report hinggil sa mga isinanlang cash cards.
Ipinabatid ni Taguiwalo na mula 2011 hanggang February 2017, mahigit 3,000 ang kaso ng mga isinanlang cash cards sa buong bansa.
Binigyang diin ni 4P’s Director Leonardo Reynoso na ipinagbabawal sa programa ang pagsasanla ng cash card na aniya’y isang misbehavior ng mga beneficiary.
Hangga’t maaari aniya ay ayaw nilang burahin o alisin sa listahan ng 4P’s beneficiaries ang mga nagsasala ng kanilang cash cards at iba pang lumalabag sa nasabing programa.
By Judith Larino