Tiniyak ni Social Welfare Secretary Rex Gatchalian sa publiko na hindi mapapasakamay nang sinumang pulitiko ang pagpapatupad ng Ayuda para sa Kapos ang Kita Program o ang AKAP na may 26 billion pesos na pondo sa ilalim ng 2025 national budget.
Ayon sa Kalihim, hindi kailangan ng mga posibleng benepisyaryo ng programa ang anumang request mula sa opisyal ng pamahalaan.
Tanging DSWD lamang aniya ang magpapatupad sa programa at bawat mapipiling benepisyaryo ay daraan sa assessment ng social workers ng kagawaran.
Ginawa ni Secretary Gatchalian ang paglilinaw matapos maibalik ang nasabing pondo sa Bicameral Conference Committee sa kabila ng magkaibang opinyon dito ng kamara at senado. – Sa panulat ni Laica Cuevas