Tiniyak ni House Committee on Ways and Means Chair Joey Salceda na mga kasambahay at manggagawang bukid ang makikinabang sa mga dagdag-buwis sa alak at sigarilyo.
Sinabi ni Salceda na kapag naging ganap na batas ang panukala, ang mga dagdag na buwis sa mga inuming nakakalasing, sigarilyo, vape at e-cigarettes ay magpopondo sa universal health care at mga sektor na hindi pa sakop ng PhilHealth.
Sakaling tuluyang maisabatas ang bersyon ng kamara, lahat ng Pilipino ay magiging miyembro ng PhilHealth at ang mga hindi pa miyembro ay mismong sa ospital na bibigyan ng gobyerno ng kanilang membership.
Inaasahang makakalikom ng P17-B na dagdag na pondo kapag naging batas.
Bukod sa mga nasa ilalim na ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4P’s) at mga paying member, nasa 26-M pang mga Pilipino ang hindi miyembro ng PhilHealth na kalimitang kinabibilangan ng kasambahay, farm worker at iba pang informal worker na mahihirap.
Inihayag ni Salceda na ang mga kasambahay na hindi pa miyembro ng PhilHealth ay otomatiko nang magiging miyembro.