Muling inihayag ng grupo ng mga health workers na hindi sapat ang tulong at benepisyong kanilang natatanggap mula sa pamahalaan.
Ayon sa mga health worker, imbis na solusyonan ng gobyerno ang problema sa pagkaubos ng maraming health staff maging ang problema sa kanilang sahod ay lalo lamang lumalala ang kanilang sitwasyon bunsod ng panibagong kaso ng covid-19 sa bansa.
Nabatid na umabot sa 884 ang bilang ng health care workers na tinamaan ng covid-19 mula sa pampublikong ospital.
Sa pahayag ng Alliance of Health Workers, posibleng lumagpak ang health care system ng bansa kung hindi mararamdaman ng mga medical frontliner ang pagpapahalaga at pangangalaga ng gobyerno.
Matatandaang marami na ang nagresign matapos madismaya sa kakulangan ng mga benepisyo at hindi patas na pagtrato sa mga nurse at doktor.
Dahil dito, nanawagan ang naturang grupo na gawing regular ang mga contractual health workers na isa sa mga tumutulong upang puksain ang covid-19. —sa panulat ni Angelica Doctolero