Pinatitiyak ng Pangulong Rodrigo Duterte kay Labor Secretary Silvestre Bello III na maibibigay ang benepisyo ng mga manggagawa bago sumapit ang mismong araw ng Pasko.
Tinukoy ng pangulo ang dagdag na P2-bilyong pondo na inaprubahan sa ilalim ng Bayanihan 2 para sa mga manggagawa na hindi nakasama sa mga naunang social amelioration program (SAP) ng gobyerno na naapektuhan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Nais ng pangulo na matiyak na mayroong maipanggagastos man lang ang bawat pamilya sa Pasko.
Sinabi ng pangulo na sadyang mahirap ang buhay ngayon kaya’t mahalagang may mahawakan man lamang kahit na kaunting pera ang mga manggagawa bago mag-Pasko.
Tiniyak naman ni Bello sa pangulo na nakakasa na ang pamamahagi nila ng pondo para sa mga benepisyo at pinakamaagang mapasisimulan ito sa ika-15 o ika-20 ng Nobyembre.
Sinabi ni Bello na bago pa man sumapit ang Pasko ay tiyak na naipamahagi na nila ang pondo.
Sa ilalim ng Bayanihan 2, may kabuuang P13-bilyon na pondo ang Department of Labor and Employment (DOLE) para sa kanilang COVID-19 Adjustment Measure Program (CAMP), Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged / Displaced Workers (TUPAD) at AKAP Program o one-time financial assistance para sa mga Overseas Filipino Workers.