Hinimay sa pagdinig kahapon ng House Committee on Justice hinggil sa impeachment case laban kay Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang lahat ng nabinbing survivorship benefits para sa asawa ng mga yumaong huwes at mahistrado.
Tatlo pang mahistrado ang humarap sa pagdinig tulad nila Associate Justices Lucas Bersamin, Diosdado Peralta at Samuel Martires na siyang nagponente ng desisyon para maresolba ang magkasalungat na mga interpritasyon hinggil sa usapin.
Nakasaad sa inihaing reklamo ni Atty. Larry Gadon, pinatanggal umano ni Sereno ang proseso ng pagkuha sa mga benepisyong ito na siya namang pinagtuuanan ng pansin ni Martires nang mapunta ito sa kaniya.
Sa panig ni Supreme Court Administrator Justice Midas Marquez, hindi gumalaw ng dalawang taon ang lahat ng petisyon para sa benepisyong ito mula Oktubre ng taong 2015 hanggang Nobyembre 2017.
Ito’y dahil aniya sa binuong special committee for retirement and civil service ng punong mahistrado na binubuo ng dalawang technical working groups para repasuhin ang pagkuha ng benepisyo.
Bagay na kinontra naman ni Justice Diosdado Peralta na nagsabing wala nang pangangailangan para rito subalit nilinaw na wala siyang personal knowledge dito.