Abot-kamay na ang panukalang magbibigay ng maayos na benepisyo sa mga nagtatrabaho sa media industry, ito’y ayon kay Camarines Sur Representative Lray Villafuerte.
Ito’y matapos aprubahan kamakailan sa ikatlo at huling pagbasa ng kamara ang Media Worker’s Welfare Act o House Bill No. 454.
Ayon kay Villafuerte, nakasaad sa panukala ang pagbibigay ng security of tenure, hazard at overtime pay, karagdagang insurance coverage at iba pang job-related benefits sa mga media worker.
Bukod pa rito, hindi tatanggap ng mas mababa sa itinakdang minimum wage ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board at dapat na bigyan ng overtime pay at night shift premiums ang mga media worker.
Saklaw rin ng panukala ang Social Security System, Pag-Ibig Fund, at Philippine Health Insurance Corp.
Kabilang pa rito, dapat magkaroon ng hindi bababa sa 500 hazard pay kada araw at pagkalooban ng angkop na safety gear ang mga empleyado na pupunta sa mapanganib na lugar.
Magkakaroon din ng dagdag na insurance coverage ang mga media worker gaya ng dealh benefits na 200,000; disability benefits na 200,000 at medical insurance benefits na 100,000. - sa panunulat ni Maze Aliño-Dayundayon.