Posibleng mabigyan na rin ng benepisyo ang mga single o hindi kasal na mayroong dependents, gaya ng natatanggap ng mga single parent sa ilalim ng Republic Act 11861 o Expanded Solo Parents Welfare Act.
Ito’y kung maisasabatas ang House bill 1364 na ini-akda ni PBA partylist Rep. Margarita Nograles na layuning amyendahan ang Expanded Solo Parents Welfare Act.
Inihain ni Nograles ang Bill noong July 6, na kinabibilangan ng tatlong partikular na benepisyo alinsunod sa Expanded Solo Parents Welfare Act.
Una ay ang educational benefits sa ilalim ng section 9, na nagbibigay mandato sa Department of Education, Commission on Higher Education at Technical Education and Skills Development Authority na magkaloob ng scholarships sa solo parent at dalawa nitong dependents;
Monthly cash pension na 1,500 pesos sa ilalim ng section 15, kung ang solo parent ay minimum wage earner at walang natatanggap na iba pang cash subsidies mula sa gobyerno;
Flexible work from home schedule sa ilalim ng section 12, na nag-a-atas sa mga employer ng single parents na payagan ang flexible working hours at iba pang konsiderasyon tulad ng telecommuting kung hindi naman ito naka-a-apekto sa productivity ng empleyado at kumpanya.
Ipinunto ng kongresista na responsibilidad ng gobyerno na protektahan ang kapakanan ng mga single person, lalo’t kung ito’y breadwinner ng pamilya na sumasalo rin ng mga responsibilidad gaya ng mga solo parent.—mula sa ulat ni Tina Nolasco (Patrol 11)