Daragdagan ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang scholarship benefits nila sa mga dependents ng 44 na nasawing Special Action Force commandos sa Mamasapano, Maguindanao.
Ito’y base sa NAPOLCOM Memorandum Circular No. 2015 – 001 kung saan inaprubahan ang karagdagang pondo para sa benepisyo.
Ayon kay PNP Spokesman, S/Supt. Bartolome Tobias, 50% increase ang kanilang inaprubahan para sa mga anak ng SAF 44 na nasa elementary, high school, at vocation courses habang 36% increase para sa mga nasa regular college.
Pinayuhan naman ng PNP ang mga nais mag-avail ng educational assistance at mga beneficiary na makipag-tulungan sa kanilang Regional NAPOLCOM Office at magsumite ng proof of enrollment na may kasamang mga resibo at kopya ng fee assessment ng mga paaralan.
Kailangan ding mapanatili ng NAPOLCOM beneficiaries ang average grade na 2.75 o 80% per semester para sa college at vocational at 80% o katumbas na mga marka sa elementary at high school.
By Cris Barrientos / Drew Nacino