Umapela ang transport group na Piston sa gobyerno na dapat mapunta sa mga tsuper ang fuel subsidy at hindi sa kani-kanilang mga operators.
Sinabi ni Piston President Mody Floranda, na isa sa ikinaharap na problema ng mga driver noong unang nagkaroon ng ayuda sa pamamagitan ng pantawid pasada ay ang tunggalian sa pagitan ng drivers at operators.
Ani Floranda, may mga operators na nagdadahilang tumataas ang presyo ng mga piyesa ng mga sasakyan kaya’t sila dapat ang makinabang sa benepisyo.
Ikinagulat rin ng grupo ang agarang pag-implementa ng isang bilyong pisong halaga ng fuel subsidy na hindi tugma sa pinag-aralang budget ng mga congressman na dapat ay nasa 8.8 bilyong piso ang halaga.
Dagdag pa ni Floranda na kung hangarin ng pamahalaan na tulungan ang sektor ng transportasyon dapat ay pagtuunan nila ng maigi ang Oil Deregulation Law.—sa panulat ni Joana Luna