Ipasusuyod ng Department of National Defense ang Benham Rise.
Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, isa ito sa nakalinyang aktibidad ng Philippine Navy sa Benham Rise.
Sinabi ni Lorenzana na isu-survey ng navy ang Benham Rise upang alamin ang lalim, coral formation , at iba pa kasama na kung hangang saan ang limitasyon nito.
Muling tiniyak ni Lorenzana ang regular na pagpapatrulya ng Philippine Navy sa Benham Rise, hindi lamang dahil sa mga nakalipas na aktibidad ng China sa lugar kundi dahil bahagi ito ng continental shelf ng Pilipinas na ibinigay sa atin ng United Nations o UN.
Warship ng Phil. Navy pinadala na sa Benham Rise
I-di-neploy na ng northern command sa Benham Rise ang BRP Ramon Alcaraz, ang warship ng Philippine Navy.
Ayon kay Major Bonifacio Arceda, public information officer ng northern command, isinama na ang Benham Rise sa mga lugar na regular na binibisita ng BRP Alcaraz.
Sinabi ni Arceda na hindi kasama ang Benham Rise sa orihinal na ruta ng BRP Alcaraz.
Kabilang sa regular na binibisita ng warship ang Calayan, Cagayan, Maconacon sa Isabela, Itbayat at Basco Batanes.
Sinabi ni Arceda na mayroong mga kagamitan ang BRP Alcaraz at kaya nitong idepensa ang sakop na teritoryo ng ating bansa.
Gayunman, sakali anyang may makitang Chinese vessel doon ang Navy, dadaanin muna ito sa magandang pakiusap na umalis sila ng lugar dahil hindi otorisado ang kanilang barko doon.
By Len Aguirre