Nais ng isang kongresista na limitahan ang pagbebenta ng electronic cigarettes at iba pang vaping products sa Pilipinas.
Ayon kay House Deputy Majority Leader Bagong Henerasyon Representative Bernadette Herrera-Dy maituturing nang banta sa kalusugan ng publiko ang vape o e-cigarettes at kinakailangang agad na maaksyunan.
Ito ay matapos aniya maitala ang kauna-unahang vaping related lung injury sa bansa sa isang 16 na taong gulang na babae mula Visayas.
Sinabi ni Herrera-Dy, sa ilalim ng kanyang panukala, pagbabawalan na ang mga menor de edad na bumili o gumamit ng anumang vape products habang lilimitahan na lamang ang flavor ng vape juice sa tobacco at menthol.
Iginiit ng mambabatas, ang mga fruity at iba pang flavor ng vape ang nakakaakit sa mga gumagamit nito lalu na sa mga kabataan.