Pagtutulungan ng 50 cybercrime experts ng National Bureau of Investigation (NBI) ang imbestigasyon sa nabunyag na bentahan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccines sa Mandaluyong City.
Ito’y matapos ang pakikipag-ugnayan sa mga awtoridad nina Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benjur Abalos at Mandaluyong City Mayor Menchie Abalos kay NBI officer-in-charge Eric Distor.
Bukod pa ito sa gagawing imbestigasyon ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa “Bakuna for Sale” na napabalita maging sa mga lungsod ng San Juan at Parañaque.
Ayon kay Abalos, sa oras na may lokal na opisyal ang mapatunayang sangkot sa naturang modus, sasampahan ito ng kasong estafa, panunuhol at anti-graft and corrupt practices act.
Mananagot din umano sa batas ang sinumang bumili ng mga bakuna na pag-aari ng gobyerno.