Nabisto ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang lantarang pagbebenta ng mga bata maging ng mga babae sa Facebook.
Ayon sa hepe ng NBI-Anti Human Trafficking Division na si Atty. Janet Francisco, nadiskubre ang Facebook account matapos mabuko ang pagbebenta sa walong buwang gulang na sanggol na ibinenta ng isang ina na nalulong sa E-sabong at nalubog sa utang.
Sinabi ni Francisco na nakita nila ang talamak na bentahan at pagpapaampon online sa mga bata maging sa mga babae kung saan, dito na napag-alam na isa palang bahay ampunan ang naturang Facebook account.
Dagdag pa ni Francisco, marami na silang namomonitor hinggil sa nasabing isyu gamit ang social media at gumagawa na sila ng hakbang para dito.
Iginiit ni francisco na mahalaga na magkaroon ng regulatory body o lupon ang gobyerno na magbabantayan sa mga aktibidad online. — sa panulat ni Angelica Doctolero