Posibleng ihain na sa Kamara ang bersyon ng Palasyo ng BBL o Bangsamoro Basic Law.
Inamin ni House Majority Floor Leader Rodolfo Fariñas na posibleng sertipikahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang panukalang BBL matapos ang ikatlong Legislative – Executive Development Advisory Council noong Miyekules, Setyembre 20.
Ayon kay Fariñas, maghahain ang house leadership ng bersyon ng BBL na binalangkas ng Bangsamoro Transition Commission sa susunod na linggo.
Inihayag aniya sa kanila ni Pangulong Duterte na ipauubaya na niya sa Kongreso ang pagpapasya sa nabanggit na panukalang batas.
Magugunitang naunsyami sa 16th Congress ang pagpasa sa BBL dahil sa kakulangan ng quorum makaraang mawalan ng kumpiyansa ang Aquino administration sa MILF o Moro Islamic Liberation Front na nag – ugat sa Mamasapano Incident.