Pumanaw na ang batikang mamamahayag na si Joe Taruc o Jose Malgapo Jr. sa tunay na buhay at mas kilala bilang Manong Joe sa edad na 70.
Batay sa tweet ng isa sa mga anak ni Manong Joe at isa ring mamamahayag na si Jay Taruc, sumakabilang buhay ang kanilang ama habang natutulog madaling araw ng Setyembre 30.
Kasunod nito, humingi ng pribadong pagkakataon ang pamilya Taruc at umapela sila ng panalangin para sa yumao nilang haligi ng tahanan.
Itinuturing na institusyon sa pamamamahayag si Manong Joe na nakilala sa himpilang DZRH sa ilalim ng kumpaniyang Manila Broadcasting Company, kung saan din nagmula ang DWIZ bago nabili ni yumaong dating Ambassador Antonio Cabangon Chua.
Isinilang noong Setyembre 17, 1947, nagsimula bilang Radyo Patrol ng ABS-CBN si Manong Joe at nagsilbi rin sa iba pang himpilan ng radyo tulad ng DWWW at DZBB bago siya napunta sa DZRH.
Tumanggap ng iba’t ibang parangal sa larangan ng pamamahayag si Manong Joe kung saan, ginawaran din ito ng “Ka Doroy” Lifetime Achievement Award ng prestihiyosong Golden Dove Award ng KBP o mas kilala bilang Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas.
Nakatakdang maglabas ng pormal na pahayag ang pamilya Taruc hinggil sa magiging detalye ng kaniyang burol.
#JUSTIN Beteranong brodkaster na si Joe Taruc pumanaw na. pic.twitter.com/ZT39Nhiiwd
— DWIZ Newscenter (@dwiz882) September 30, 2017