Ginawaran ng military honors ng Armed Forces of the Philippines o AFP ang beterano ng World War II na si Private Jua Aquino Jacob.
Pumanaw si Jacob isang buwan bago ang kaniyang ika-102 na kaarawan at inihatid sa huling hantungan nito lamang April 2 kung saan siya pinagkalooban ng parangal bilang isang bayani.
Si Private Jacob ang isa sa pinakamatandang beterano ng ikalawang digmaang pandaigdig, na nagsilbi sa United States Army Forces in the Far East o USAFFE.
20-anyos lamang siya nang maging enlisted personnel sa ilalim ng Alpha Company ng 52nd Engineer Battalion ng USAFFE 51st Infantry Division na siyang sumagupa laban sa mga puwersa ng Hapon.
Isa rin siya sa mga nakaligtas sa malagim na Bataan Death March kung saan, naka-ukit ang kaniyang pangalan sa talaan ng mga bayani na nasa Shrine of Valor sa Mt. Samat, Bataan.