Pumanaw na sa edad na 69 ang beteranong diplomat na si Willy Gaa, ang dating Philippine Ambassador sa Estados Unidos dahil sa lung cancer.
Si Gaa ay nagsimulang magtrabaho bilang diplomat noong 1974 at huling naglingkod bilang Philippine Ambassador to US mula 2006 hanggang 2010.
Bukod sa Estados Unidos, naging kinatawan na rin siya ng bansa sa Libya, Malta, Tunisia, Australia, China at iba pa.
Sa huling taon nga ni Gaa sa Washington, nagbigay ito ng kontribusyon upang kumbinsihin ang US Millennium Challenge Corporation na magbigay sa Pilipinas ng mahigit sa 400 millyong dolyar na development grant.
Samantala, naulila ni Gaa ang asawang si Erlinda Concepcion kasama ang dalawa nilang anak na lalaki na sina Wendell at Warren.
Mamayang alas-2:00 ng hapon ay ilalagak ang labi nito, habang ihahatid naman si Gaa sa kaniyang huling hantungan sa Martes, ika-15 ng Disyembre sa Funeraria Paz, Manila Memorial Park sa Sucat Parañaque.
By Allan Francisco