Matapos kuwestyunin ni Senador Raffy Tulfo, nagpasya ang mataas na kapulungan ng Kongreso na ipatawag ang mga opisyal ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Ito’Y upang pagpaliwanagin sa kautusan na nagbabawal sa pagbebenta ng imported na isda, gaya ng pink salmon at pampano sa mga palengke simula Disyembre a – kwatro.
Suportado ni Senator Grace Poe ang imbestigasyon ng Senado sa naturang issue dahil nalalabuan umano siya sa fisheries Administrative Order (FAO) 195 ng BFAR.
Nanawagan si Poe sa Department of Agriculture na pagsabihan ang BFAR na ayusin ang biglaang pagpapatupad nito ng FAO 195 na noon pa dapat 1999 pinairal.
Iginiit naman ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na kailangan nilang magsagawa ng pagdinig para pagpaliwanagin ang BFAR kung ano ang ligal na basehan ng kautusan.
Mga importer anya at hindi mga retailer ang dapat pagtuunan ng pansin ng BFAR at kailangan ding pag-aralan ng senado ang paghihiwalay ng nasabing ahensya mula sa DA para higit itong mabantayan.
Samantala, bilang chairman ng Committee on Agriculture, hiningi na ni Senator Cynthia Villar ang mga impormasyong hawak ni Tulfo para gamitin sa ipatatawag na pagdinig. —Mula sa ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)