Isinisisi ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR sa masamang panahon ang napaulat na pagtaas sa presyo ng isda sa mga pamilihan.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi ni BFAR Director Asis Perez na normal lamang na sumisirit ang presyo ng mga isda lalo pa’t hindi pinapayagang pumalaot ang mga mangingisda dahil sa bagyo.
Ayon kay Perez, inaasahang babalik naman sa normal ang presyuhan ng isda sa mga pamilihan kapag bumuti na ang panahon.
“’Yun ang talagang mangyayari dahil 3 araw nang hindi pumapalaot ang mga mangingisda natin, ang binibili nating isda yung mga isdang galing sa lugar na walang bagyo, syempre, magta-transport pa dito.” Pahayag ni Perez.
Tiniyak naman ni Perez na pansamantala lamang ang pagtaas ng presyo ng isda.
“Temporary lang naman ‘yan at once na gumanda na ang panahon ay babalik din naman ‘yan.” Dagdag ni Perez.
Taas presyo
Matapos ang pagtaas ng presyo ng gulay sa Benguet, sunod na nga ring gumalaw ang presyo ng isda sa mga pamilihan.
Sa Dagupan City sa Pangasinan, tumaas ng P20 ang kada kilo ng bangus mula sa dating P100 piso.
Ayon sa Dagupan City Agriculture Office, hindi maiiwasang gumalaw ang presyo ng isda dahil ipinagbabawal ang pagpalaot ng mga mangingisda bunsod ng malalaking na pag-alon.
Sa pag-iikot naman ng DWIZ patrol, P10 hanggang P20 ang itinaas ng presyo ng isda sa Mega-Q Mart sa Quezon City.
Tulad na lamang ng tuna at galunggong na naglalaro sa P150 hanggang P160 pesos kada kilo mula sa dating P140 pesos; P110 pesos naman ang kada kilo ng tulingan mula sa dating P100 pesos; ang pusit, P120 pesos; bangus P140 pesos; alumahan P170 pesos habang wala namang paggalaw sa presyo ng tahong na nasa P80 ang kada kilo.
By Jelbert Perdez | Ratsada Balita | Jaymark Dagala