Maagang nagbigay ng paalala ang Bureau of Fire Protection o BFP sa taongbayan na laging mag-ingat upang maiwasan ang sunog.
Ginawa ito ng Bureau of Fire Protection bilang bahagi ng paghahanda sa buwan ng Marso na siyang fire prevention month.
Ayon kay Supt. Renato Marcial, Spokesman ng BFP, kalimitang sanhi ng sunog ay kapabayaan kaya’t pwede itong maiwasan sa pamamagitan ng ibayong pag-iingat at paghahanda.
Nito lamang Pebrero 1 hanggang sa kasalukuyan ay nakapagtala na ng mahigit sa 750 sunog ang BFP.
“For as long na tayo mismo ay aware sa ating surroundings particularly sa ating mga kabahayan, ipa-check po natin ng regular ang ating mga linya ng kuryente dahil isa ito sa mga dahilan ng sunog sa atin, at huwag tayong mag-imbak ng flammable materials, maging maingat din sa paggamit ng kandila o gasera lalo na kung brownout, siguraduhing malayo sa kurtina o mga bagay na masusunog.” Ani Marcial.
Fire trucks
Inamin ng Bureau of Fire Protection na marami pang munisipalidad sa bansa ang walang truck ng bumbero.
Gayunman, ayon kay Supt. Renato Marcial, Spokesman ng BFP, unti-unti na nila itong natutugunan sa ilalim ng modernisasyon ng Bureau of Fire Protection.
Kamakailan anya ay nakumpleto na ang pamamahagi ng 469 na bagong fire trucks.
Dahil dito, malaki na anya ang naibawas sa dati ay mahigit sa 500 munisipalidad na walang truck ng bumbero.
“Ito yung sa mga remotest area na dahil ang target natin is 1 is to 1, ibig sabihin isang municipality merong fire truck, itong mga municipalities na ito ang frequency ng sunog dito ay halos once a year, pero dahil sa na-distribute natin ito’y iku-cluster kasama na rin sila sa pagresponde.” Pahayag ni Marcial.
By Len Aguirre | Balitang Todong Lakas