Handa na ang Bureau of Immigration(BI) sa pagpapatupad ng resolution number 98 ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases o IATF-EID.
Kaugnay ito ng mas pinalawak na listahan ng mga dayuhang may hawak na valid visa na papayagan nang makapasok ng Pilipinas simula sa Martes, Pebrero 16.
Ayon sa abiso ni Immigration Commissioner Jaime Morente, kabilang sa mga maaari nang makapasok sa bansa ang mga dayuhang may hawak na valid working visa, student visa, special visa for employment generation at special investors residence visa.
Ani Morente, kinakailangan ipinalabas ang hawak na bisa ng mga dayuhan bago o mismong noong Marso 20, 2020.
Habang dapat namang magpresenta ng exemption mula sa Department of Foreign Affairs ang mga dayuhang may hawak ng visa na ipinalabas matapos ang Marso 20 ng nakaraang taon.
Kinakailangan ding magpakita ng exemption document ang mga dayuhang may hawak ng special resident and retirees visa at temporary visitor’s visa.