Inirekomenda na ng fact-finding committee ng Bureau of Immigration (BI) ang pagsasampa ng reklamong administratibo laban sa mga tauhan nitong isinasangkot sa pastillas scheme.
Ito ang inihayag ni Immigration Deputy Commission Tobias Javier sa kanyang pagdalo sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senado sa isyu.
Ayon kay Javier, hindi naging paborable sa lahat ng mga repondents ang resulta ng imbestigasyon ng fact finding committee na kanya mismong pinamunuan.
Aniya, ang mga naturang respondents ay kanilang ipinatawag at isinubpoena para bigyan ng pagkakataong sagutin ang mga alegasyon ni Mr. Allison Chiong.
Magugunitang, unang isiniwalat ni chiong ang pangalan ng ilang mga matataas na opisyal ng BI na umano’y sangkot sa pastillas bribery scheme kung saan mabilis na nakapapasok sa bansa ang mga Chinese POGO workers.
Samantala, sinabi ni Javier na naisumite na ni Immigration Commissioner Jaime Morente ang naturang rekomendasyon ng komite kay Justice Secretary Menardo Guevarra.