Ipina-deport na pabalik ng Egypt ang hinihinalang ISIS recruiter na una nang nilinis ng Department of Justice (DOJ) sa kasong illegal possession of firearms and explosives.
Ayon sa Bureau of Immigration (BI), Oktubre 6 nang inilipad pabalik ng Cairo ang Egyptian national na si Fehmi Lassoued.
Paliwanag ng BI, bagamat ibinasura na ng DOJ ang kasong kriminal laban kay Lassoued, nagkaroon pa rin ito ng paglabag matapos magsumite ng pekeng impormasyon para sa kanyang working visa, paggamit ng pekeng pasaporte at pagiging undesirable alien.
Kahinahinala rin umano ang paggamit nito ng iba’t ibang alyas tulad ng Haytam Abdulhamid Yusof, Haitam Abdel Hamid Ahmed Youssef at Youssef Haitham Abdelhamid.
Ang pagbasura namn ng DOJ sa kasong possession of fire arms laban kay Lassoued ay kasunod ng pagkakatuklas na peke ang na-rekober umanong baril sa apartment nito.
Magugunitang, unang sinabi ng Philippine National Police (PNP) na naaresto si Lassoued kasama ang kanyang Filipinang kasintahan sa tinutuluyan nitong apartment sa Makati. Pero kalauna’y napatunayan sa kuha ng CCTV na nadakip ang dayuhan malapit sa Ayala Triangle One hiwalay sa kanyang girlfriend.