Maghahain ng deportation case ang Bureau of immigration laban sa hinihinalang Indonesian suicide bomber na si Resky Fantasya Rullie alyas Cici.
Ito ay matapos maaresto si Rullie sa ikinasang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng Philippine Army 11th Infantry Division, Criminal Investigation and Detection Group, National Intelligence Coordinating Agency-9 at BI.
Si rullie ay sinasabing asawa ni Abu Sayyaf Group sub-leader andi baso na napatay sa isang engkuwentro sa Sulu at anak ng mag-asawang Indonesian na nasa likod ng kambal na suicide bombing sa Mount Carmel Cathedral sa Jolo.
Ayon kay BI Intelligence Mindanao Task Group Head Melody Gonzales, ilang buwang isinailalim sa surveillance si Rullie kung saan natuklasang pinagpaplanuhan nito ang pagsasagawa ng suicide bombing sa Sulu bago naaresto.
Kasama ni rullie na nadakip ang dalawa pang sinasabing asawa rin ng Abu Sayyaf members na sila Inda Nhur at Fatima Sandra Jimlani Jama.
Samantala, nilinaw ni Gonzales na kinakailangang harapin muna ni Rullie ang isinampang kasong kriminal laban dito bago ipa-deport pabalik ng Indonesia.