Nagbabala sa publiko ang Bureau of Immigration (BI) laban sa mga sindikatong gumagamit sa pangalan ng kanilang ahensya.
Nabatid na ilang mga dayuhan na ang nakatanggap ng pekeng mission order o ang obligadong pagsasagawa ng house-to-house inspection sa mga entertainment establishment para damputin ang mga illegal alien o foreign national.
Ayon kay BI Spokesperson Dana Sandoval, hindi totoo at iligal ang ginagawang aktibidad ng mga suspek, dahil maaari lamang manghuli ng foreign national ang kanilang mga tauhan, kung mayroong mission order na inilabas ang komisyon.
Iginiit ni Sandoval, na talamak ngayon ang mga scammer na nagpapanggap na tauhan ng immigration upang makapangotong sa mga foreign national na nasa Pilipinas.
Dahil dito, nagpaalala si Sandoval sa publiko na mag-doble-ingat, dahil kumakalat ngayon ang mga scammer lalo na ngayong magpapasko.
Sakaling may mapansing kahina-hinalang pagkilos, agad itong i-report sa kinauukulan para mabilis na madakip ng mga otoridad.