Nagtaas na ng heightened alert status ang Bureau of Immigration (BI) sa lahat ng paliparan sa buong bansa.
Kasunod na rin ito ng inaasahang pagdating sa bansa ng mga delegado ng mga bansang kasama sa 30th Southeast Asian (SEA) Games at pagdagsa ng iba pang mga magbabakasyon ngayong darating na holidays.
Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, kanilang inaasahang tataas ng hanggang 30% ang bilang ng mga magdaratingang pasahero sa mga paliparan ngayong holiday season.
Bukod pa aniya ito sa mahigit 8,000 delegado ng iba’t ibang bansa para sa SEA Games, mga miyembro ng foreign media at mga manonood.
Kaugnay nito, ipatutupad naman ng BI ang ‘no leave, no absent’ policy sa kanilang mga tauhan sa panahon ng SEA Games at holiday.