Balik na sa normal ang operasyon ng Bureau of Immigrations (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at Clark International Airport.
Ito ang tiniyak ni Immigration Port Operations Division Chief Grifton Medina kasunod ng pagdagsa ng malaking bilang ng mga pasahero noong semana santa at pagtama ng magnitude 6.1 na lindol sa Central Luzon.
Ayon kay Medina, nagbalik na sa normal ang kanilang operasyon makaraang muling buksan ang Clark International Airport noong Miyerkules gayundin ang pagbaba na ng bilang ng mga biyahero sa NAIA matapos ang holiday.
Aniya, epektibo nilang napangasiwaan ng pagdagsa ng mga pasahero kabilang na ang mga na-divert ang biyahe dahil sa maayos na pagpapatupad ng personnel augmentation scheme at mga gumaganang electronic gates sa paliparan.
Kasabay nito, pinuri ni Medina ang lahat ng kawani ng BI na nananatiling alerto at propesyonal sa nakalipas na linggo.