Sinimulan na ng Bureau of Immigration ang imbestigasyon sa umano’y human trafficking ng mga Pilipino sa Myanmar, kung saan isinasangkot ang kanilang mga personnel.
Mismong si Immigration Commissioner Norman Tansingco ang nag-utos ng pagsisiyasat, kasunod ng lumabas sa pagdinig ng senado na ilang Pilipino ang nire-recruit sa Thailand bilang call center agent, ngunit pagdating sa nasabing bansa ay dadalhin sa myanmar para magtrabaho bilang mga scammer sa isang Chinese syndicate.
Ayon kay Tansingco, hindi niya kukunsintihin ang anumang katiwalian sa immigration.
Sa katunayan, siya pa mismo ang magpoposas sa empleyadong sangkot sa korupsyon.
Muli namang binigyang-diin ng opisyal na prayoridad pa rin niya sa kaniyang pamumuno ang pagsupil sa katiwalian, at ibinabala ang kasong administratibo at kriminal sa mga gagawa nito.
Noong Nobyembre nang naglabas ng advisory si Tansingco sa mga immigration inspectors na magsagawa ng assesment para mga biyahero sa ibang bansa, matapos makatanggap ng reports na ilang Pilipino ang iligal na nire-recruit.
Tiniyak naman ng opisyal ang pakikipagtulungan sa opisina ni Senator Risa Hontiveros para sa karagdagang impormasyon sa kaso.