Walang record ang Bureau of Immigration na lumabas ng bansa si suspected drug lord Peter Lim.
Ipinabatid ito ni Immigration Spokesperson Dana Sandoval matapos nilang i-verify sa kanilang system gayundin sa mga dokumento na tumutukoy kay Peter Go Lim.
Sinabi ni Sandoval na made-detect din ng kanilang equipment sakali mang pumuslit palabas ng bansa si Lim gamit ang pekeng pasaporte.
Ayon naman kay Justice Secretary Menardo Guevarra, hindi matiyak kung nasa bansa pa si Lim lalo na’t malawak ang karagatang sakop ng bansa at maraming backdoors sa southern part ang maaaring gamitin sa pagpuslit palabas ng Pilipinas.
Samantala, bini-verify naman ng PNP kung nakalabas na nga ng bansa si Lim.
Dahil dito, inatasan ni PNP Chief Guillermo Eleazar ang Directorate of Intelligence, CIDG at PNP Drug Enforcement Group na i-check kung wala na nga ba sa Pilipinas si Lim tulad ng naunang pahayag ni Dilg Secretary Eduardo Ano na nakatanggap sila ng impormasyong nakapuslit na si Lim palabas ng bansa.
Sakali mang wala na si Lim sa bansa, inihayag ni Eleazar na wala pa rin itong takas dahil makikipag ugnayan sila sa kanilang counterparts sa ibang bansa.