Ganap nang nakalusot sa ikatlo at huling pagbasa sa mataas na kapulungan ng kongreso o Senado ang panukalang pambansang pondo para sa susunod na taon.
22 Senador ang bumoto pabor na ipasa ang panukalang budget na nagkakahalaga ng P4.5-T.
Dahil sinertipikahang urgent ang budget kaya agad itong nakapasa sa ikalawa at ikatlong pagbasa sa loob lamang ng isang araw.
Ito rin ang kauna-unahang budget bill na naipasa sa pamamagitan ng hybrid hearings at session dulot ng banta ng COVID-19 pandemic.
Dahil dito, nakatakdang magpulong ngayong araw ng Sabado ang bicameral conference committee para sa ilan pang paghimay sa nasabing panukala.
Inaasahan namang mailatag na ito sa mesa ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Disyembre 9 upang ganap nang lagdaan ang budget para sa susunod na taon.