Niratipikahan na ng Senado ang bicam report hinggil sa 2021 national budget na nagkakahalaga ng P4.5-T.
Tanging si Senador Panfilo Lacson lamang ang tumutol na aprubahan ito matapos kuwestyunin ang pagpapalobo ng bicameral conference committee sa panukalang pondo ng Department of Public Works and Highways.
Habang binawasan naman aniya ang panukalang budget para sa national broadband program.
Ayon kay Senate Finance Committee Chairman Sonny Angara, nakatutok ang inaprubahang panukalang pondo sa susunod na taon sa pagtugon sa COVID-19 pandemic, kalamidad at pagbangon ng ekonomiya.
Nakapaloob din aniya rito ang P72.5-B na pondo para sa pagbili sa pagbili, distribusyon at storage ng bakuna kontra COVID-19.
Umabot ng dalawang oras ang interpelasyon ng mga senador kay Angara na nag-sponsor sa panukalang budget sa plenaryo.
Dahil una na ring niratipikahan ng mababang kapulungan ng kongreso ang bicam report sa 2021 national budget, inihahanda na ito para maipadala at malagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte upang maging ganap nang batas.