Niratipikahan na sa Senado ang bicameral conference committee report sa panukalang batas na magpapatibay at mas mabigat na parusa laban sa mga sangkot sa hazing activities at mga nagtatangkang pagtakpan ito.
Napagkasunduan na sa Joint Congressional Committee ang magkakaibang probisyon sa panukala na isinumite ng mataas at mababang kapulungan ng kongreso noong nakaraang buwan.
Matapos naman maratipikan ay dadalhin na ang panukala sa tanggapan ng Pangulo para aprubahan at pirmahan bilang ganap na batas o kaya ay i-veto ito.
Una nang sinabi ni Senate Committee on Public Order Chairman Panfilo Lacson na nakapaloob sa nasabing panukala ang mas mabigat na parusa laban sa mga lumabag sa hazing law kabilang na ang mga opisyal at miyembro ng fraternity na hindi aktuwal na sumali sa hazing rites pero nasa lugar kung saan ito ginanap.
Dagdag ni Lacson, ang pagpapasa sa nasabing panukala ay kanilang inialay sa hazing victim at UST Law Freshman na si Horacio Atio Castillo III.
—-