Sirang thermometer.
Ito ang lumabas sa imbestigasyong isinagawa sa mga bakunang sinauli ng Bicol region dahil umano hindi angkop ang temperatura nito sa kinakailangang sukat ng temperatura ng Astrazeneca COVID-19 vaccine na nasa +2 hanggang +8 degrees Celsius.
Batay sa imbestigasyon tama naman ang temperature ng mga bakuna na isinauli ng Bicol sa Department of Health Central Office na nasa 7,500 doses at sira lamang umano ang nailagay na thermometer ng third party logistics provider kaya’t ganoon ang kinalabasan nang sukatin ang temperature ng mga bakuna sa Bicol.
Ayon kay Dr. Rita Ang-Bon, COVID-19 Vaccine Program Coordinator ng DOH-Bicol, may protocol kasi na kapag hindi pasok sa required na temperature ang bakuna ay hindi pwedeng gamitin dahil masasayang lamang ang efforts sa vaccination dahil hindi na epektibo ito.
Aniya, nang sukatin kasi nila ang temperatura ng bakuna lumabas na 100-200 degree Celsius ito taliwas sa kinakailangang temperatura.
Dagdag ni Bon, matapos lumabas sa imbestigasyon na tama naman ang temperatura ng mga bakuna ng gumamit ng ibang thermometer hindi pa rin nila natitiyak kung na-maintain ang temperature nito habang ibinabiyahe.
Giit nito, nawa’y magsilbing aral ito sa third party logistics provider na naghahatid ng bakuna upang tiyakin na maayos lahat ng temperature monitoring devices upang walang masasayang na bakuna.
Kaugnay nito, target ng lokal na pamahalaan ng Bicol na mabakunahan muna ang lahat ng 70,000 health workers nito bago ang iba pang nasa listahan ng mga prayoridad na mabakunahan kontra COVID-19.— sa panulat ni Agustina Nolasco