Kinumpirma ng Department of Public Works and Highways na posibleng 2026 pa masimulan ang pagpapatuloy ng Bicol River Basin Development Program.
Ito’y matapos ipag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na muling silipin ang napurnadang Bicol River Basin Project ng kanyang amang si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Ayon kay DPWH Secretary Manuel Bonoan, welcome sa kanilang departamento ang isa sa mga nakikitang solusyon ni Pangulong Marcos upang mabawasan ang mga pagbaha sa Bicol region.
Naghahanda na anya ang DPWH na suriin at pag-aralan ang nasabing proyekto sa tulong ng Korean Exim Bank.
Gayunman, binigyan-diin ni Secretary Bonoan na posibleng sa 2026 pa masimulan ang civil works sa nasabing proyekto dahil sa mga nakalinya pang malalaking proyekto.