Inilabas na ng Board of Trustees ng Bicol Central Academy ang kanilang desisyon kaugnay sa kaso ng panununog ng kanilang school administrator sa mga bag ng kanilang mag-aaral.
Iyan ang kinumpirma sa DWIZ ni Education Usec. Anne Sevilla sa harap na rin ng nagpapatuloy na diyalogo sa pagitan ni School Administrator Alexander James Jaucian at ng mga magulang kasama ang kanilang mga anak ngayong araw.
Kabilang aniya ang naturang diyalogo sa inilabas na kautusan ng Board of Trustees ng nasabing paaralan kay Jaucian kabilang na rito ang paghingi ng tawad.
Maliban dito, sinabi rin ni Sevilla na inatasan din ng Board of Trustees si Jaucian na i-reimburse o ibalik nito sa mga apektadong mag-aaral ang halaga ng lahat ng mga sinunog niyang kagamitan.
Suspendido rin sa loob ng siyamnapung araw o nasa tatlong buwan si Jaucian kung saan, inatasan din ito na sumailalim sa development program sa ilalim ng Department of Education o DepEd.
—-