Target ng Department of Information Communications and Technology o DICT na maisagawa ang bidding para sa ikatlong telco player sa bansa bago pumasok ang Hunyo.
Ayon kay DICT Undersecretary Eliseo Rio, abala pa sila ngayon sa pagsasaayos sa terms of reference na gagamitin sa pagpili ng ikatlong telco.
Isa aniya sa nakapaloob na panuntunan dito ang paglalagak ng malaking performance bond ng ikatlong telco na puwedeng kumpiskahin ng pamahalaan sakaling mabigo silang matupad ang mga pangakong serbisyo sa loob ng limang taon.
Maliban sa India at China na inimbitahang lumahok ng Pangulong Rodrigo Duterte, sinabi ni Rio na mayroon pang mga interesadong lumahok sa bidding subalit ayaw pang lumantad hanggang sa araw ng bidding na posibleng isagawa sa Mayo 28.
“Gaano kalalim ang kanilang bulsa ay kailangang ipapakita rin nila kasi ang kalaban nila dito ay mga higante na, ang Globe at Smart, more than 20 years na ‘yang in existence, ayaw naman nating mangyari ‘yung nangyari sa San Miguel Corporation nag-partner sa isang pinakamalaking telcos ng Australia pero hindi pa nga sila nag-ooperate ay nabili na sila ng Globe at Smart, ayaw nating mangyari na itong 3rd player na bibigyan natin ng frequencies eh after a while ay mapupunta rin pala sa Globe and Smart.” Pahayag ni Rio
(Balitang Todong Lakas Interview)