Bumagal ang preparasyon ng Commission on Elections o COMELEC makaraang pagtibayin ng Supreme Court (SC) ang desisyon na dapat paganahin ang kakayahan ng vote counting machines (VCM’s) na mag-isyu ng resibo sa eleksyon.
Ayon kay Director James Jimenez, Spokesman ng COMELEC, marami silang mga nasimulan nang preparasyon na kailangang ulitin para maisama ang desisyon ng Supreme Court tulad ng sa training ng mga board of election inspectors (BEI’s).
Bukod pa anya ito sa hindi na maiiwasang paghaba ng oras ng eleksyon sa Mayo 9 na posibleng abutin ng hanggang alas-12:00 ng hatinggabi.
Samantala, sinabi ni Jimenez na puspusan na ang bidding para sa mahigit 1.2 milyong rolyo ng papel na kailangan nila para sa pag-isyu ng resibo.
“Maayos na yung printing niya pero ang kulang sa atin yung extra printer, meron tayong ina-allot na mga 7 roll of printer paper sa mga makina, sapat yan para mag-imprenta ng election return na nasa 32 copies, sapat yan para mag-imprenta ng audit trail na medyo mahaba-haba talaga, at yung iba pang reports na kailangang i-file pero hindi yan sapat kung daragdagan mo ng pangangailangan na mag-imprenta ka ng isang resibo para sa mga 600 na botante.” Pahayag ni Jimenez.
By Len Aguirre | Ratsada Balita