Iniuugnay ng militar sa Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang naganap na ikalawang pagsabog sa Isulan, Sultan Kudarat noong Linggo ng gabi.
Ayon kay Philippine Army 6th Infantry Division Commander Cirilito Sobejana, posibleng kagagawan ang pagsabog ng BIFF breakaway group sa pamumuno ni Salahuddin Hassan.
Hindi naman makumpirma ni Sobejana kung may kaugnayan ang nangyaring pagsabog sa unang insidente sa Isulan noong Agosto 28.
Gayunman sinabi ni Sobejana na bago ang mga insidente, nakatanggap na sila ng intelligence report na may limang improvised explosive device (IED) ang ipakakalat at pasasabugin sa tatlong lugar sa Sultan Kudarat kabilang na ang Isulan.
Samantala, sinabi ni Isulan Mayor Maritess Pallasigue na hawak na nila ang kopya ng CCTV footage sa loob ng internet shop kung saan iniwan ang pampasabog.
Aniya, isa sa kanilang titignan sa imbestigasyon ay kung magkaugnay ang dalawang nangyaring pagsabog sa Isulan lalu’t wala naman aniya silang natatanggap na anumang banta.
“Wala po umaako na grupo peron meron po indibiduwal na sinusundan kasi sa unang pagsabog meron tayong ‘person of interest’ na tinutukoy pero hindi pa pwede i-divulge according sa mga pulis. Tapos yung kagabi meron witness na nakakakita raw so tinitignan pa nila kung sino iyon.” Pahayag ni Pallasigue.