Nakatitiyak ang militar na Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) ang nasa likod ng pagsabog sa bahagi ng national highway ng South Upi, Maguindanao na ikinasawi ng isa katao.
Ayon kay Joint Task Force Central Command Major General Juvymax Uy, nagtugma ang nakuha nilang improvised explosive device (IED) na hindi sumabog sa lugar ng insidente sa signature bomb ng BIFF.
Ani uy, kanila ring nabatid na target sana ng pagpapasabog ang alkalde ng South Upi na si Mayor Reynalbert Insular na nakatakda sanang dumaan sa lugar nguni’t hindi natuloy.
Dahil dito, dalawang lalaking magka-angkas sa motorsiklo ang napuruhan sa insidente kung saan isa sa mga ito ang nasawi habang sugatan naman ang isa pa.
Batay sa ulat ng 57th Infantry “Masikap” Battalion ng Philippine Army at South Upi Municipal Police Station, nangyari ang pagpapasabog malapit sa isang telecommunications company sa timanan public market sa Barangay Romongaob.