Umakyat na sa pito (7) ang bilang ng mga namatay sa nangyaring pag-atake sa North Cotabato District Jail kung saan 158 preso ang nakapuga.
Sa panayam ng DWIZ kay Jail Warden Supt. Peter Bongat, anim (6) sa mga nasawi ay pawang mga preso at isa ay jail guard na nakilalang si Jail Officer 1 Excell Ray Vicedo.
Tatlo naman sa mga nakatakas na preso ang nahuli at naibalik na sa bilangguan.
Ayon kay Bongat, tataas pa ang bilang na ito dahil patuloy ang pagtugis ng PNP Special Action Force, militar at ng BJMP Special Tactics and Response sa mga nakapugang preso at maging sa mga umatake sa bilangguan.
Aabot sa 1,511 ang buong populasyon ng mga preso sa North Cotabato City Jail kung saan ang ilan ay mga high profile inmate at miyembro ng BIFF.
MILF breakaway group
Posibleng ang breakaway group ng MILF na Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF ang siyang nasa likod ng pag-atake sa North Cotabato District Jail.
Ayon kay Jail Warden Supt. Peter Bongat, karamihan sa mga nakatakas na preso ay miyemrbo o kaya may kaugnayan sa BIFF na ang kaso ay may kinalaman sa kidnapping.
Higit isang daang (100) kalalakihan na may bitbit na malalakas na uri ng baril ang sinasabing sumugod sa lugar.
Sa pinahuling bilang, nasa 158 ang nakatakas habang tatlo (3) pa lamang sa mga ito ang naibabalik sa kulungan.
Patuloy pa rin ang hot pursuit operations sa mga suspek gayundin sa mga nakatakas na bilanggo.
Classes suspended
Samantala, kanselado na ang klase sa Barangay Amas, Kidapawan City kasunod ng nangyaring jail break sa North Cotabato District Jail.
Ito ay sa gitna pa rin ng hot pursuit operation na isinasagawa laban sa mga armadong kalalakihan at mga nakatakas na bilanggo.
Samantala, pinabulaanan naman ng grupong Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na sila ang nasa likod ng pag-atake sa naturang bilangguan.
Una nang binanggit ng jail warden ng North Cotabato District Jail na breakaway group ng MILF ang nasa likod ng pag-atake.
By Rianne Briones | Meann Tanbio | Jonathan Andal (Patrol 31)