Kumpiyansa ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na matutuldukan na ang pamamayagpag ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Ito ang inihayag ni Western Mindanao Command (WESMINCOM) Chief, Lt/Gen. Alfredo Rosario Jr. kasunod ng pagsuko ng may 12 BIFF kabilang na ang kanilang sub-leader.
Kinilala ni Rosario ang mga sumukong BIFF sa pangunguna ni Anwar Pegas na sub-leader ng Karialan faction at Deputy nito na si Zukarno Sailila.
Ayon kay Joint Task Force Central Commander, MGen. Juvimax Uy, kasamang isinuko ng mga bandido ang kanilang mga armas tulad ng Carbine, Cal. 50 Barret sniper rifles, 9mm submachine, 40mm rocket propelled granade launcher, M79 Grenade launchers at 40mm high explosive RPG ammunition.
Sa kabuuan, sinabin ni Uy na aabot na sa 97 ang bilang ng mga sumukong BIFF kung saan ay nasa 90 iba’t ibang armas ang naisuko sa kanilang area of operations sa unang tatlong buwan pa lamang taon. — ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)