Ikinalugod ni Senadora Risa Hontiveros ang ipinataw ng Ombudsman na anim na buwang preventive suspension without pay laban sa 44 na tauhan at opisyal ng Bureau of Immigration (BI) na sangkot sa ‘pastillas scam’.
Ayon kay Hontiveros, nagpapasalamat siya kay Ombudsman Samuel Martires sa agarang pag-aksyon sa resulta ng ginagawa nilang imbestigasyon sa naturang scam.
Pero umaasa ang senadora na hahabulin ng Ombudsman ang ‘big fish’ o malaking tao na nasa likod ng naturang anomalya kabilang na ang mga wala na sa Immigration Bureau na hindi na maaring isailalim sa preventive suspension.
Umapela din si Hontiveros sa Ombudsman na bawiin o huwag isama ang whistleblower na si Jeffrey Dale Ignacio sa mga sinuspinde ng anim na buwan na walang sahod.
Giit ng senadora, naging state witness si Ignacio makaraang tumestigo kung paano na institutionalized ng mga Immigration official ang korapsyon sa naturang tanggapan.
Ang testimonya anya ni Ignacio ang nakapagpakumpleto sa kabuuang larawan ng sistema ng korapsyon sa BI, bagay na malaki ang naitulong sa ginagawang imbestigasyon ng senado at ng National Bureau of Investigation. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)