Asahan na bukas, Martes, ang muling pagpapatupad ng bigtime rollback sa produktong petrolyo.
Inaasahang aabot sa P2.50 hanggang P2.70 ang magiging tapyas-presyo sa kada litro ng gasolina habang maglalaro naman sa P2.70 hanggang P2.80 ang kada litro ng diesel at kerosene.
Ang pagbabawas sa presyo ng produktong petrolyo ay nakabatay sa mga pagbabago sa gastos ng Mean of Platts Singapore (MOPS), na siyang basehan sa lebel ng pagpepresyo sa sektor ng langis.
Nabatid na ito na ang ika-5 rollback sa presyo ng produktong petrolyo mula noong nakaraang buwan at unang bawas naman sa gastos sa mga oil pump ngayong Disyembre.
Samantala, una nang nagpatupad ng P2.70 na tapyas-presyo sa kada litro ang Autolpg kahapon, alas-8:00 ng umaga. —sa panulat ni Angelica Doctolero